Mapaglarong isipan.

Tuesday, July 5, 2011

Sisi

Sabihin mo nga ang salitang "Sisi" ng dalawang beses. Anong napansin mo? Ako, napansin ko, isa kang uto-uto. Hahahaha! Biro lang. Hmmm, tila napangiti ka di ba? Pero may "Sisi" talaga na hindi nakakapag-pangiti. Ito yung paninisi o "blaming".

Ikaw kasi!



Ang masasayang mga tao ay hindi ginugugol and kanilang oras sa paninisi ng ibang tao.

Halimbawa, gumimik tayo, at sa kasamaang palad, inlaan ko ang oras natin sa paninisi sa aking pamilya, kaklase, katrabaho, amo, pusa, aso, butiki, kapitbahay at maski ikaw, sinisisi kita dahil sa miserable kong buhay. Isasama mo pa ba ako sa susunod na gimikan?

Malamang hindi na.

Syempre, hanggat maari, gusto nating makasama ang tropa na makakapagbigay ligaya sa atin. Yung tipong masasabi mong "ang sarap" dahil marami kang natututunan na mahalaga at mabuting mga bagay, magandang balita at mararamdaman mong ikaw ay nasa mabuting mga kamay.

Narito ang isang mabigat na dahilan kung bakit dapat nating iwasan ang palagiang paninisi - mapapagod ang sangkatauhan sa atin - kasama riyan ang iyong mga kaibigan, pamilya at butiki. Isa pang dahilan, kung palagi nating sinisisi ang ibang tao, hindi uusad ang buhay natin. Sa tingin ko, ito rin and dahilan kung bakit halos hindi umuunlad ang Pilipinas (Hindi pa ako naninisi sa lagay na to!). Sisi dito. Sisi doon. Habang hindi naman talaga tayo nagiging responsable sa sarili nating mga buhay. Di ba nga, ang pag-unlad ay magsisimula sa bawat isa, sa sarili mo?

Kung maririnig mong magsalita ang ilan sa mga taong bagsak palagi ang negosyo, sawi sa relasyon, estudyanteng palaging bagsak ang mga grado, mamumutawi sa kanilang mga bibig ang:

"Hindi ko maiwasan"
"Hindi ko kasalanan"
"Kasalanan ng aking Propesor yun"
"Kasalanan ng tatay ko yun"
"Walang nagmamahal sa akin"
"Walang nakakaintindi sa akin"
"Kasalanan ng Gobyerno. Dapat sila ang gumawa ng hakbang."
"Hinihila nila ako pababa"
"Dapat sinabi mo sa akin, ikaw kasi!"

Para sa akin, 'yan ang palaging maririnig mo sa mga taong laging talunan. Lagi nila itong nasasaisip "Hindi ko ito kasalanan, kaya hindi ko ito itatama." Sa kasamaang palad kapag naninisi lang tayo, hindi kailanman nasosolusyonan ang ating mga problema. Kaya naman, ang mga naninisi ay laging naguguluhan at hirap sumaya sa buhay.

Tanong ni Miguel: Sino ang sinisisi mo?

0 ang nagbigay ng komento:

Post a Comment

Popular Posts

Sino Ako?

Ako nga pala si Mike Dalisay, a.k.a Miguel sa blog na ito. Ikaw, sino ka?
Powered by Blogger.